DBA News Corner...

INDAKAN 2019

M. J. Soto

Matagumpay na idinaos ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino o KAMFIL club ang kanilang taunang Indakan na may temang, “Kultura’y pagyamanin, Pilipinong tugtugin ang gawing salamin”, noong ika-30 ng Agosto, Biyernes.  Sumabak ang mga naggagalingang mananayaw mula sa mga eskuwelahan ng Narciso School Inc., St. Scholastica’s Academy, Angeles City National Trade School, Republic Central Colleges at Holy Family Academy.

Bago magsimula ang kompetisyon ay itinanghal ng ating mga kapatid na Aeta mula Sitio Monicayo ang tradisyong pagiindak ng mga Aetang Katutubo. Sari-sari namang kultura mula sa bawat sulok ng bansa ang ipinakita ng mga kalahok ng kompetisyon sa kanilang pagtatanghal. Sa huli ay tumala ng 89.9% na iskor mula sa mga hurado ang St. Scholastica’s Academy at kanilang naiuwi ang Ikatlong Gantimpala na may tropeo at cash prize. 

Ika ng isang Scholastican na mag-aaral, “Hindi namin expect na mananalo kami, pero syempre with God, nothing is impossible”.

Nabigo namang depensehan ng Holy Family Academy ang kanilang kampeonato noong nakaraang taon, ngunit kanilang ipinakita sa kanilang pagtatanghal ang pagkakaisa ng mga iba’t ibang katutubo na tumulong sakanilang makapuna ng 95% na iskor upang masungkit ang Ikalawang Gantimpala. Pinangalanan naman ang Angeles City National Trade School bilang kampeon ngayong Indakan 2019 at sila ay nakatanggap ng tropeo, cash prize at Revolving Trophy ng Indakan.

Buwis buhay at katangi-tanging pagtatanghal ang kanilang ipinakitang pagiindak kung saan kanilang sinalamin ang mga sari-saring kultura ng mga katutubong pinakainiingat-ingatan ng mga Pilipino at ng ating bansa na tumulong sakanilang makakuha ng 97% na iskor.

“Nung una medyo nahirapan sa paghahanda dahil laging nassuspend ang klase at di makapag practice, pati ang budget na ibinibigay ng eskuwelahan ay talagang sakto lang dahil syempre galing kami sa public.” Ika ng choreographer ng ACNTS na si Raymond Mangilit.

Dagdag pa niya, “Ang Indakan ay magandang plataporma para sa mga kabataan, sa panahon kase ngayon ay puro na lang kpop or laging sabay sa uso. Nakakalimutan na ang mga katutubong sayaw at tugtog na bumuhay sa sining ng Filipino.”

Inaasahang babalik pa ang mga nagsipag-lahok sa susunod na taon at madepensahan naman ng koponan ng ACNTS ang kanilang kampeonato.